Magpapaalam Lamang – Part 3

By Remedios Dorio

 

 

Hindi makapaniwala si ANITA ngunit hindi niya maikakaila ang katotohanan, ang patay ay si Alex Montoya, ang una niyang pag-ibig.

"Pwede ko ba siyang tingnan muli?" tanong ni Anita sa babae.

"Siyempre, mukhang nagulat ka sa retrato ng anak ko sa kanyang ID, kilala mo ba siya?" tanong ng babae kay Anita.

"Hindi, hindi ko kilala ang anak mo," ipinagkaila ni Anita na kilala niya si Alex Montoya. "Iba ang retrato sa ID na ito. Hindi magkapareho ang hitsura ng anak mo sa retratong ito."

"Kung gusto mong tumingin ulit sa anak ko, tingnan mo," sabi ng babae. Pumasok si Anita sa loob ng kubo-kubo, at tiningnan ng mabuti ang mukha ng patay, pagkatapos ang sa ID. Ang mukha sa ID ay kapareho sa dating kilala niya na si Alex Montoya.

"ALEX MONTOYA,"  sabi ng guwapong si Alex sa kanya habang siya ay nakaupo sa upuan sa ilalim ng puno, sa loob ng kampus ng unibersidad. Malaki ang ngiti ni Alex sa kanyang mukha. Hindi ito narinig ni Anita kaya inulit ni Alex ang kanyang sinabi sa mas malakas na boses. "Sabi ko, Alex Montoya."

Tiningnan siya ni Anita. "Ano?"

"Alex Montoya sabi ko." Muling inulit na naman ni Alex sa pagsabi ang kanyang pangalan.

"Sino si Alex Montoya?" tanong ni Anita ngunit sa tutoo lang, alam niya kung sino ito.

"Ako."

"Eh ano ngayon?" Nainis si Anita dahil buhos siya sa pag-aaral ng aralin na ibinigay bilang home assignment. Ginagamit niya ang kanyang bakanteng oras upang mag-aral dahil hindi siya nakapag-aral ng kanyang assignment nakaraang gabi sa bahay.

"Ano? Hindi mo ba nakikita kung gaano ako kagandang lalaki at nakakabighani?," sabi ni Alex na tumatawa.

"Napaka-conceited! Lumayo ka sa akin!" pinagtabuyan ni Anita si Alex nang maupo ito malapit sa kanya.

"Bakit mo ako tinataboy? Hindi naman ito pribadong upu-an,  pag-aari ng universidad  ang lahat ng mga upuan dito. May karapatan din akong umupo katulad mo?" Sagot si Alex.

"Maraming mga upuan. Puwede kang umupo roon, walang sinumang nakaupo," pinapa-upo ni Anita si Alex sa ibang upuan.

"Pero gusto kong umupo dito, Napaka-aya ng amoy, parang sariwang hangin," sabi ni Alex. Hindi kailanman umaalis ang ngiti sa kanyang mukha.

"Hindi mo nakita na nag-aaral ako? Bakit mo ako ini-istorbo, umalis ka," galit na galit na si Anita. Ngunit hindi kumikilos si Alex, kaya galit na tumayo si Anita at dala ang kanyang mga gamit ay padabog na nagpunta sa isa pang upuan at doon umupo matapos sabihin kay Alex, "Ireport ko ikaw ng sex harasment kung susundan mo ako!"

Nagkibit-balikat si Alex at tumawa na sinabi kay Anita, "Okey, mahal,  see you!" at umalis na siya. Huminga ng malalim si Anita. Nang malayo si Alex, sinusundan ito ni Anita ng tingin at siya ay napangiti.

Si Alex Montoya ay popular sa kampus. Isa siyang manlalaro ng basketball at maraming babae ang nababaliw sa kanya.

Ang malakas na tinig ni Aldo ay nagpahinto sa daloy ng alaala sa isipan ni Anita. Bumalik na si Aldo galing sa pagbili ng pagkain.

"Binilhan ko rin ikaw ng hamburger, Anita," sabi ni Aldo.

"Mamaya ko na kakainin. Kung tapos ka na sa pagkain, punta tayo sa mga kina-ukulan. Hindi maaaring nakahiga lang diyan ang kanyang anak. Sa loob ng dalawampu't apat na oras, ang patay ay dapat ilibing kung ito ay hindi na-embalsama," sabi ni Anita.

"Huwag kang mag-alala. Ang kasintahan ko ay nagtatrabaho sa opisina ng alkalde. Tinawagan ko siya at sinabi ko ang problema. Maghintay na lang tayo rito." Sabi ni Aldo kay Anita na mag-alala at magiging maayos ang lahat. "Kukunin dito ng isang punerarya ang bangkay at diretso na  lang sa sementeryo mula rito."

"Huwag mong kaligtaan ang pag-video," sabi ni Anita sa kanyang pinsan.

Habang kumakain ang babae at si Aldo, tahimik lang naka-upo si Anita at naglakbay muli pabalik sa nakaraan ang kanyang isipan.

Na-inggit ang kanyang mga kaibigan nang malaman nila na siya ay hinahabol ni Alex Montoya.

"Hoy, Alex, ayaw niya sa iyo, ako na lang, mas maganda naman at mas mabait ako, at gagawin ko ang lahat para sa iyo!"

"Bakit binabalewala mo si Alex, hindi kita nauunawaan," sabi ng kaibigan niyang si Susan sa kanya.

"Si Anita ay play hard to get lang, kapag andiyan si Alex kunwari ay hindi niya pansin, ngunit maniwala ka, ang kanyang puso ay tumitibok ng mabilis, BONK, bonk, BONK, bonk," at lahat ng kanyang mga kaibigan ay tumawa.

Minsan, masama ang panahon, nakabinbin ang madilim na ulap sa itaas at maaring bumuhos ang malakas na ulan sa anumang sandali. Hindi lamang iyan, walang transportasyon kasi ang mga driver ay nag-welga dahil gusto nilang magtaas ng pamasahe, kaya marami sa mga mag-aaral ang umuwi na naglalakad lamang. Walang magawa si Anita kundi lumakad din, nang mapansin niyang sinusundan siya ni Alex.

"Anita, Anita, hintayin mo ako." Tinatawag ni Alex ang kanyang pangalan at tumatakbo na hinahabol siya.

"Bakit ba’t sinusundan mo ako?" tanong ni Anita kay Alex.

"Gusto ko lang humingi ng paumanhin." Sinagot ni Alex si Anita.

"Humingi ng paumanhin sa ano? Sa kayabangn at pagbibiro mo sa akin?" tanong ni Anita.

"Oo, dahil lamang sa hindi ko alam kung paano kita lapitan kaya dinadaan ko sa pagbibiro, ngunit sa totoo lang, gusting-gusto kita. Mahal kita," sabi ni Alex kay Anita na mahal niya ito.

Hindi sumagot si Anita kay Alex, tiningnan lamang niya ito. Si Alex ba ay nagtatapat ng pag-ibig sa kanya?

"Peace?" direktang tumingin si Alex sa mga mata ni Anita at bago nakasagot si Anita ay biglang bumuhos ang malakas na ulan. Si Anita ay palaging may dala-dala na payong, kaya kinuha niya ito mula sa kanyang bag at binuksan. Si Alex ay nakisilong sa payong upang hindi siya mabasa. Nadama ni Anita ang init ng katawan ni Alex.

Patuloy ang pagbuhos ng malakas na ulan. Tumingin si Alex sa paligid at nakita niya na walang ibang naglalakad kung hindi sila lamang dalawa ni Anita. Bigla niyang niyakap si Anita at hinalikan sa labi. Sa simula pumapalag ang nagulat na si Anita ngunit nakaramdam siya na parang may dumadaloy sa kanyang katawan na hindi niya ma-ipaliwanag. Nagustuhan niya ang halik ni Alex. Pagkatapos ng kanilang halikan, tiningnan ni Alex si Anita kung ano ang reaksyon nito, at nang makita niya na walang galit sa mukha ni Anita, uminit ang katawan ni Alex at niyakap niya muli si Anita at ulit silang naghalikan. Lubos na sumusuko sa kanilang nararamdaman, dinama nila kapwa ang kasiyahan ng pagmamahalan sa isa't isa, ang kanilang unang halikan, ang kanilang unang pag-ibig. ****itutuloy ****